Araw-araw kong binabalikan ang mga huling pag-uusap namin ni mama sa telepono.
"Anak, nagpagupit ka ba?"
"Anak, iyan na ba talaga mukha mo?" Tinutukoy ang profile picture ko.
"Kailan ka uuwi?"
"Mag-face mask ka lagi!"
"Tumagilid ka 'pag matutulog."
"Alagaan mo ang sarili mo."
Alam kong hindi naman niya na mababasa ito pero kung makakausap ko lang si mama, "Ma, bakit naman ganito. Ang sakit-sakit naman. Ma, tulungan mo naman akong kayanin 'to kasi parang masisiraan na ako ng ulo. Ma, bakit? Ma, miss na miss na kita. Ma, mahal na mahal kita. I love you, Mama. Parang walang katapusan ‘yung araw-araw na sakit, Ma. Ma, yakapin mo naman ako kasi parang hindi ko kaya. Ma, ang hirap. Ma."
Ika-9 ng Marso ko siya huling nakita. Umalis ako ng Cavite para magtrabaho sa Manila. Na-stranded ako katulad ng iba dahil sa biglaang mga anunsiyo at hindi na nakauwi buong ECQ.
Sa bawat tawagan namin, di ko mapigilang mag-alala dahil naiwan siyang mag-isa. Araw-araw ako naghahanap ng kakilala na papayagan makalusot ng checkpoint para maihatid ako pauwi.
"Kumusta ka, Ma?"
Laging malungkot ang sagot niya.
"Anak, walang tubig dito."
"Anak, wala akong makausap."
"Anak, bumili ako pocket Wi-Fi para kahit paano may libangan pero binalik ko rin kasi hindi makasagap."
"Anak ang sakit ng ulo ko."
"Anak, brownout dito."
Pero sa kabila no'n, "Ang gwapo naman ng anak ko, ang talino pa."
"Huwag mo ko alalahanin masyado, anak. Kumain ka na ba?"
Ako pa rin ang iniintindi niya.
Hanggang sa nakatanggap ako ng tawag na dinala siya ospital matapos makitang nakahandusay sa sahig. Na-stroke na pala si Mama nang mag-isa.
"Nakatumba na yung mga CD ninyo sa sala pero sa likod ng pinto namin siya nakita. Gumapang pa siguro siya para humingi ng tulong pero walang nakarinig."
Mabuti at nasilip ng kapitbahay at nadala siya sa ospital. Laking gulat ko kinabukasan 'pag tawag ko, pinauwi na raw siya nang magkamalay dahil sa kakulangan sa pasilidad.
Lumala ang kondisyon niya. Dahil brownout sa bahay, dinala siya ng mga kapitbahay sa isang malapit na clinic at doon na siya nawalan ulit ng malay.
“ Nagmakaawa ako sa mga pulis at sundalo. Ilang beses ko sinabi sa pulis Maynila na naghihingalo ang nanay ko. Pero may sinusunod daw silang protocol. May batas daw silang sinusunod. ”
Ilang beses ako nakipagtalo sa doktor sa telepono na ipa-ambulansya na siya sa Manila. Aaminin ko, nasigawan ko si Doc. Lalo na nang sabihin niya sa akin na ipagpasa-Diyos ko na lang ang nanay ko.
"Bilang doktor, nasasabi n’yo yan?"
Galit na galit na sumagot sa akin ang doktor, "O, e di ikaw dito? Ano! Ikaw dito? Huwag ka na ngang tatawag dito."
Hanggang sa nalaman ito ng kapatid ko na nasa Quezon City. Naghanap siya ng ospital na makikipag-coordinate para mailipat si mama. Hanggang sa pumayag ang East Avenue Medical Center at nadala siya kinabukasan nang madaling araw.
Habang ako, pinilit ko makatawid sa border ng Manila at Quezon City. Nagmakaawa ako sa mga pulis at sundalo. Ilang beses ko sinabi sa pulis Maynila na naghihingalo ang nanay ko. Pero may sinusunod daw silang protocol. May batas daw silang sinusunod.
"Kahit sa border lang, lalakarin ko na lang mula roon." Pumayag sila na ihatid ako hanggang border.
Pagdating sa border, nilakad ko patawid ng Quezon City. Bumuhos ang ulan. Basang-basa na ako hanggang sa isang istasyon ng pulis kung saan may pumayag na ihatid ako sa East Ave.
Nang makarating sa ospital, "Nasa 28-percent chance na maka-survive ang mama niyo,” sabi ni Doc.
Ni hindi ko man lang masilip si mama. Automatic na nilalagay sa COVID PUI Ward ang mga pasyenteng may hypertension at adult. Mahigpit ang bantay. Hiniling namin na mailipat siya ng ward pero hinihintay daw ang resulta ng swab test niya.
Tiniis ko ang magdamag sa bakuran ng East Ave katabi ng basura at halaman, kasama ng iba pang mga kamag-anak ng iba pang mga pasyente sa COVID PUI Ward.
Kinabukasan, nakahiram ako ng PPE at nabigyan ako ng pagkakataon na masilip si mama. Ang init sa loob. Bawal ang air-con. Basang-basa na si mama ng ihi at pawis pero walang nag-aasikaso sa kaniya. Ilan beses ko siya pinipilit kausapin. Umaasa ako na kahit nakapikit siya, sana naririnig niya ako.
"Ma, bibilhan kitang cellphone. Sabi mo pinag-iipunan mo yun ‘di ba?"
"Ma, nandito na kami ni ate."
"Wag kang matakot, Ma. Nandito lang ako, Ma."
"Mama, mahal na mahal kita."
Hanggang sa humagulgol na lang ako nang malakas at napilitan na lumabas. Sobrang sakit na sa ganoong kalagayan ko siya makikita.
Pinanghawakan namin magkapatid ang 28-percent chance. Matagal na panahon kaming may hindi pagkakaunawaan, dahilan kung bakit siya nakabukod. Ngunit sa pagkakataon na iyon, sabay kaming umiyak at nanalangin. Hindi ko alam kung kailan titigil ng hagulgol.
Isang malapit na kaibigan ang nasilip din siya nang umaga na 'yon. Paglabas niya,
"Nagreresponde na ang mama niyo. Nakapikit pero nagagalaw niya kaunti ‘yung kamay. Lumuha nga siya, e. Umiiyak siguro nang narinig sinabi ko nandito kayong magkapatid."
Nagkaroon kami ng mataas na pag-asa. Nakahinga kami sandali. Makalipas ang isang oras, ipinatawag kami ng doktor.
"May pumutok ulit na ugat sa utak ng mama niyo. Tinubuhan na namin siya at hindi na kayo nasabihan dahil emergency na at kailangan niya na talaga."
Halos mabaliw ako. Hindi namin matanggap agad.
Pinuntahan namin 'yung pinaka-doktor niya para sa paliwanag, "Maraming pwedeng mangyari sa loob ng 24 hours. Overestimation na ang dalawang araw kay mama niyo. Kapag nag-arrest siya, bibigyan lang namin siya ng huling tatlong shots ng gamot, ‘yun ang maximum at protocol dahil COVID PUI siya at wala pang result ang swab test. Kapag hindi siya nag-respond, ‘yun na po ‘yun."
Kinabukasan, 8 a.m., pinipilit naming makita si mama. Pero mas humigpit ang mga bantay. May mga pagkakataong sinisigawan at namumura na kami ng guard. Kaya hinintay na lang namin ang pagkakataon.
“ Totoo na lahat naman tayo ay pabalik rin sa ilalim ng lupa. Pero sa panahon na may magagawa sana tayo, hindi normal na manahimik at huminahon lang tayo. ”
Alas-dos ng hapon, pinuntahan namin si Doc. "Ha? Hindi ba kayo nasabihan, alas-otso pa wala na ang mama ninyo. Kailangan ninyong magmadali, mayroon na lang kayong anim na oras after death para ma-claim ang katawan ng mama niyo para ma-cremate. Kundi, baka masama siya sa mass disposal."
Umalma ako, "Doc, eh hindi naman COVID ang cause of death niya, ah."
Sumagot si Doc, "Sorry, na-swab test lang siya after death."
Hindi man lang kami nabigyan ng pagkakataon umiyak. Inasikaso namin lahat ng kailangan at nailaban namin na hindi siya mai-cremate. Nabaon ako sa napakaraming utang ngayon para may maibayad sa sementeryo at punerarya. Dalawang araw matapos ang pagkamatay ni mama, nailibing din namin siya.
Dahil sa wala pang resulta ang swab test, ang ina na buong buhay kaming inalagaan at minahal, nilibing lang namin nang naka-body bag, diretso sa lupa.
"Hindi lang ikaw ang namatayan."
"Nangyayari talaga yan."
"Kawawa naman."
"Mag move-on ka na rin."
"Walang may kasalanan."
Nakakatakot na ang araw-araw na kamatayan ng mga tao na naririnig natin sa mga balita ay dumadaan lang sa atin at tinatanggap lang nating normal.
Totoo na lahat naman tayo ay pabalik rin sa ilalim ng lupa. Pero sa panahon na may magagawa sana tayo, ang boses natin, para mag-sagip ng buhay, para manawagan nang kahit katiting naman na pagbabago sa sistema, hindi normal na manahimik at huminahon lang tayo.
Marami ang may katulad naming karanasan sa araw-araw. At hindi ito ang gusto kong ituring na bagong normal. Sana hindi na ito mangyari sa iba.
Walang pagbabago at walang magbabago. Madali tayong maawa, pero hindi tayo natututo.
Edited by Büm Tenorio Jr.